CSC umaksiyon sa nag-viral na karanasan ng PWD na 'di pinapasok sa BIR

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 06:04 PM | Updated as of Aug 11 2019 06:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inaksiyunan ng Civil Service Commission (CSC) ang nag-viral na post ng babaeng ipinanganak na walang mga paa na hindi pinayagan ng guwardiya na pumasok sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Calbayog City dahil nakasuot siya ng shorts.

"Although ayaw niyo mag-complain, kami we take this very seriously kasi hindi po ito puwedeng maging practice ng ibang government agency. The security guards are there to protect you at mga empleyado. Hindi sila dapat ginagawang frontline service," ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada.

Walang intensiyon si Nancy Torrelino Boroc na magreklamo laban sa guard o sa BIR sa kabila ng pag-post niya ng kaniyang karanasan sa social media. 

"Naawa po ako sa guard, inisip ko po may pamilya siyang pinapakain...ayaw ko pong mapunta siya sa bad side. 'Yung point ko po talaga makapag-start ng awareness," punto ni Boroc.

Sa kuwento ni Boroc, nanggaling na sila sa parehong tanggapan noong isang linggo para magtanong ng mga kinakailangang requirements para sa papeles na ipinakikisuyo ng kaniyang kapatid. Pinapasok naman aniya siya kahit pa naka-shorts.

Pero pagbalik nila nitong Agosto 6 dala na ang mga requirement, hindi na siya pinayagang makapasok ng guwardiya dahil nga sa shorts na suot.

"Ito ang resulta 'pag ang guwardiya ay ginagawa[ng] frontline service. Ang frontline service dapat ang gumagawa niyan ay mga plantilla. So the guard cannot make a decision on this case. Dapat ang ginawa niya muna ay inirefer niya sa frontline," sabi ni Lizada.

Paliwanag pa niya, kahit pa may ipinapatupad na mga regulasyon at polisiya, mayroon dapat exemption lalo na sa mga PWD, maging mga buntis at senior citizens.

"Dapat po may special consideration sa inyo at hindi dapat pinauwi... at kung tama ba 'yung information na ibinigay sa akin parang gusto kayong pasuotin ng pantalon pa? This is really being so disrespectful, hindi po tama yun," sabi niya.

Ipinaalala rin ni Lizada ang bagong batas na Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business at maging ang special lane para sa mga PWD, senior citizen at mga buntis.

Sabi ni Lizada sinulatan na ng regional director ng CSC sa lugar ang regional director ng BIR sa Calbayog City at binigyan ng tatlong araw para ipaliwanag kung ano ang nangyari at bakit hindi pinapasok si Boroc sa tanggapan.

"I hope the top management of BIR please inform all your other regional offices na while there is a memo, dapat sinasabihan niyo rin 'yung mga taong humaharap sa publiko that there is a certain leeway for persons with disability or even for that matter 'yung mga buntis kasi 'yung iba nagsho-short pants but it's not being disrespectful to the office. It is because 'yung kapansanan nila or their situatuion makes them wear those clothing," dagdag ni Lizada.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.