Barangay sa Davao City kinalampag ng dayuhan dahil sa basura sa estero

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 09:06 PM

DAVAO CITY – Kinalampag ng isang dayuhang marine biologist ang pamahalaang lokal sa lungsod dahil sa umano'y pabalik-balik na problema sa basura sa estero sa isang barangay.

Sa video na nai-upload ni Darrell Blatchley sa Facebook noong Agosto 5, makikita doon na punong-puno ng basura, lalo na ng plastic, ang estero sa Barangay 37-D. 

 

Ilang ulit na aniya itong inireklamo pero tila walang disiplina ang barangay dahil paulit-ulit pa rin itong nangyayari.

Hiniling na rin niya na sibakin ang mga opisyal ng barangay dahil sa hindi matugunang problema sa basura sa estero.

Matapos na mai-upload ang video sa social media, agad namang nilinis ng barangay ang estero at nilagyan ng screen upang hindi na ulit mapuno ng basura.

Ayon kay Barangay Captain Prime Atillo, regular ang kanilang paglilinis sa mga estero upang maiwasan ang sakit gaya ng dengue, leptospirosis at iba pa.

Muling nagpaalala ang Department of Interior and Local Government-XI sa barangay officials sa kanilang mandato na manguna sa cleanup drive sa kanilang lugar.

Kilala si Blatchley sa mga nangangampanya laban sa mga basura sa estero dahil naaanod sa dagat at posibleng makain ng marine species.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.