30 babaeng 'inilalako' sa mga resort, bar sa Batangas nasagip; 2 'bugaw' timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 06:31 PM

MAYNILA — Nasagip ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang aabot sa 30 babae na inilalako umano sa mga bar at resort sa Nasugbu, Batangas.

Arestado rin ng mga awtoridad ang dalawang umano'y nambubugaw sa mga babae.

Sampu sa mga babae ang nasagip sa loob ng isang kuwarto ng resort sa siyudad. Agad namang inaresto ang umano'y bugaw nilang si Jerry Pineda nang tanggapin ang pera mula sa nagpanggap na kostumer.

Pinang-eengganyo umano ng suspek sa mga turista ang mga babae, ayon kay Police Brig. Gen. William Macavinta, hepe ng PNP-WCPC.

Agad ding pinosasan ng PNP-WCPC ang isa pang umano'y bugaw na si Yolanda Bentir sa harap ng kaniyang bar matapos tumanggap ng marked money.

Dito, nasa 20 babae ang nailigtas ng PNP-WCPC, kabilang pa ang batang anak ng isa sa mga nasagip.

Ayon kay Pineda, humaharang siya ng mga turista sa lugar at nag-aalok ng resort sa mga ito. Pero pabulong din aniya siyang nag-aalok ng mga babae.

Sa P1,000 bayad sa kanila ng parokyano, P400 lang ang napupunta sa babae. Paghahatian nina Bentir at Pineda ang nalalabing P600.

Kakasuhan ang mga naaresto ng paglabag sa expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Anti-Child Abuse Law.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.