2 ‘nilunod’ na baka, nakumpiska sa Rizal

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 03:31 PM

Inilibing na ang dalawang nakumpiskang baka na sapilitang pinainom ng tubig para bumigat ang timbang.

RIZAL – Kinumpiska ng National Meat Inspection Service Region 4A mula sa isang slaughter house Miyerkoles ng gabi ang dalawang patay na baka na sapilitang pinainom ng tubig para bumigat ang timbang.

Ayon sa ahensiya, galing sa hilagang Luzon ang dalawang baka na nasa 650 kilo ang timbang.

Dagdag pa ng NMIS, ang mga baka na umanoy "flooded" ay resulta ng "flooding" o ang pilit na pagpapainom ng tubig sa buhay pang baka para mas bumigat ang timbang nito at mabenta ng mahal.

Ginagawa raw ito ng mga negosyante dahil nababawasan ang timbang ng mga baka kapag ibinabiyahe dahil sa gutom.

Malinaw umanong pandaraya ito sa mga mamimili dahil dumaragdag ang tubig sa timbang na binibili ng mga konsyumer. Delikado rin daw ito sa kalusugan dahil nagiging contaminated ang mga karne.

Binigyang diin naman ng ahensiya na sana'y maging mapagmatyag ang mga konsyumer at ang mga meat dealer sa ganitong uri ng modus.

Inilibing na Huwebes ang mga nakumpiskang baka sa bakuran ng NMIS Region 4A sa Lipa City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.