Risa Hontiveros, nagninang sa kasal ni Kenneth Dong

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:33 AM | Updated as of Aug 09 2017 03:28 PM

MANILA (UPDATE) - Inamin ni Senadora Risa Hontiveros na nagninang siya sa kasal ni Kenneth Dong, ang negosyanteng pinangalanang "middleman" umano sa P6.6 bilyong shabu shipment mulang Tsina.

Sa panayam ng ANC nitong Miyerkoles, sinabi ni Hontiveros na taong 2012 nang magpakilala sa kanya si Dong bilang negosyante ng digital weighing scales sa pamamagitan ng isa nilang kaibigan. 

"Noong ikakasal na siya, inimbita niya ako kasama sina Senator Migs Zubiri, Kiko Pangilinan, Joel Villanueva, Ralph Recto, na magninong-ninang kami sa kasal niya," aniya.

Kinumpirma naman ni Zubiri na naging ninong siya at sinabing tinuturing niyang kaibigan si Dong ngunit nilinaw nito na hindi niya alam ang mga negosyo ni Dong maliban sa Asuki industrial weighing scales.

"He made me ninong at his wedding and I was only one of many senators, politicians and celebrities who were asked to be principal sponsor. I have not seen him since last Christmas, close to 8 months ago," ani Zubiri sa isang pahayag Miyerkoles.

"Should there be any evidence of Mr. Dong's involvement in the said illegal drug trade, he should be brought to the bar of justice," dagdag pa niya.

Ayon kay Hontiveros, isa si Dong sa mga negosyanteng tumulong sa mga biktima ng super typhoon "Yolanda" at nagbigay din ng P3 milyon at P5 milyon sa kanyang kampanya noong halalan 2013 at 2016.

"'Yung campaign team ko ay may vetting process sa mga magpapakilala at magsasabing gusto nilang tumulong. As far as my campaign team knew then, at sa pagkakaalam ko rin ngayon, siya ay isang lehitimong negosyante," giit ng senadora.

Batay rin sa Statements of Contributions and Expenditures, nagbigay rin ng donasyong P3 milyon si Dong sa kampanya ni dating TESDA Director General Joel Villanueva nitong 2016.

Si Dong ay itinuro ni Customs broker Mark Taguba sa Senate hearing bilang umano'y middleman sa mga container mulang Tsina na nakitaan ng daan-daang kilong shabu.

"Talagang shocked na shocked ako, muntik akong mahulog sa silya nung banggitin yung pangalan niya bilang siya daw ang middleman sa shabu smuggling sa Bureau of Custom," she said.

Naniniwala si Hontiveros na dapat humarap sa Senado ang kanyang "acquaintance" o kakilala, lalo't ipina-subpoena na ito ng Blue Ribbon Committee ngayong araw.

Nakatakda rin aniya siyang dumalo sa imbestigasyon na ito para magtanong ukol sa mga reporma na dapat ipatupad sa Bureau of Customs.

"He texted me [last week] that he was going to attend the hearing. I said, 'yes you should. That's good kasi seryoso at nakakabahalang akusasyon 'yan so dapat sundin mo 'yung summons," dagdag pa ng senadora.