Lalaki, sinaksak ng screwdriver, espada ng samurai sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 03:37 PM | Updated as of Aug 09 2017 07:24 PM

Nakuha mula sa suspek ang screwdriver at katana o samurai sword na ginamit sa pananaksak. Lyza Aquino, ABS-CBN News

Sugatan ang 34 anyos na lalaki matapos saksakin gamit ang screwdriver at katana o espada ng samurai sa Brgy. Merville sa Parañaque nitong Martes, pasado 10:30 ng gabi.

Agad isinugod sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si Jesus Alegado, Jr. matapos magtamo ng mga saksak sa leeg at tiyan. Inilipat naman siya sa Philippine General Hospital makalipas ang ilang sandali.

Nagtangka namang tumakas ang suspek na si Nilo Dialino pero nahuli pa rin ito ng mga barangay tanod bago pa siya makasakay ng motor. 

Nakuha sa kanya ang screwdriver at katana o espada ng samurai na ginamit sa pananaksak.

Nakakulong na sa detention cell ng Parañaque City Police ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Stable naman ngayon ang lagay ni Alegado.

-- Ulat nina Bianca Dava at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.