Dayuhan nambugbog umano ng babae sa Negros Occidental

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2020 03:28 AM

Binugbog umano ng isang Danish national ang isang babae sa San Carlos City, Negros Occidental nitong Martes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagalit ang Danish national matapos ipinagkalat ng babae na gumagamit ito ng ilegal na droga at may ilegal na gawain sa kanilang barangay.

Nalaman ng Danish ang impormasyon galing sa kaniyang kaibigan.

Ayon sa officer-in-charge ng San Carlos City Police na si Cpt. Mark Angelo Junco, habang naglalakad ang 45-anyos na babae sa Barangay 1, bigla itong nilapitan at binugbog ng dayuhan.

Agad namang nahuli ang suspek.

Sinampahan siya ng kasong grave threat pero agad nakalabas ng kulungan matapos niya mag-piyansa.

Noong Pebrero, nakulong din ang Danish matapos na ireklamo na nagwawala dahil sa sobrang kalasingan at nagmatigas na sumama sa mga rumespondeng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.