Koreano timbog sa pagbebenta ng ukay-ukay sa Cagayan de Oro

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 08:14 AM

CAGAYAN DE ORO - Arestado ang isang 29-anyos na Koreano matapos mahuli sa aktong pagbebenta ng ukay-ukay sa loob ng kanyang nirerentahang gusali sa Cogon Market, Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Regional Intelligence Director Andy Maca-ayan, nakatanggap sila ng reklamo laban sa dayuhan kaya inaresto nila ito sa bisa ng mission order mula sa commissioner ng Bureau of Immigration.

"Ang violation nito engaging in retail trade. Under the law, only a Filipino citizen is allowed to engage in retail trade. Hindi pwede 'yung foreigner. We conducted the operation and we caught him in flagrante violating Immigration Law by engaging in retail trade kaya nahuli siya," aniya.

Sa impormasyon ng awtoridad, 10 taon nang pabalik-balik sa Cagayan de Oro City ang Korean national bilang turista hanggang nakakuha na ito ng work visa bilang interpreter at dito na rin nag-aaral.

"As of now he has a working visa as interpreter. Medyo nangangatwiran siya bakit siya hinuhuli na may papel.. eh sabi ko yung papel mo 9G working pero hindi ka pwede magtinda, magretail. Bawal," ani Maca-ayan.

Tumangging magbigay nang pahayag ang dayuhan.

Agad itong ibiniyahe papuntang Maynila para sampahan ng kasong paglabag ng Immigration Law.

Nagbabala ang Bureau of Immigration na magsasagawa sila ng iba pang operasyon laban sa mga dayuhan na lumalabag sa batas ng bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.