Itbayat evacuees umapela: Presyo ng materyales sa pagtatayo ng bahay pababain

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 08:44 PM

Umapela sa gobyerno ang mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes na pababain ang presyo ng mga materyales sa pagtatayo ng bahay.


Sa gitna ng panaka-nakang pag-ambong naranasan ngayong Huwebes sa Itbayat, hindi nagpapigil ang mga residente sa muling pagtatayo ng kanilang mga bahay na nawasak ng lindol.

Pero idinaing din ng mga residente ang anila'y dobleng presyo ng mga materyales na galing Basco, Batanes o sa mainland Luzon.

"Sa gobyerno, sana matulungan din kami na magdala sila dito ng [construction] aggregate na kayang bilhin ng taga-dito," ani Anecia Cano, na nasiraan ng bahay dahil sa lindol.

Ayon sa mga biktima ng lindol, hindi sapat ang P60,000 tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Housing Authority (NHA) para sa "totally-damaged" na bahay, at P30,000 para sa "partially-damaged" na bahay.

Kung may pambili naman daw ng materyales, wala nang mabibili sa mga hardware store dahil hindi pa nakadadaong ang mga barkong maghahatid sana ng mga materyales dahil sa masamang panahon.

Naghanap din ang ibang residente ng ibang materyales gaya ng kahoy, yero at bakal para gamiting sa konstruksiyon.

Matatandaang niyanig ng magkasunod na magnitude 5 na lindol ang Batanes noong Hulyo 27 at isa sa mga pinakaapektadong lugar ay ang bayan ng Itbayat dahil sa lapit nito sa sentro ng lindol.

Kaniya-kaniyang diskarte naman ang ibang biktima ng lindol para makahanap ng masisilungan sa gitna ng masamang panahong nararanasan sa lalawigan.

Hindi pa kasi makarating sa isla ang barkong magdadala ng mga gagamitin sa temporary shelter dala ng masamang panahon.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.