Ilang opisyal ng Coast Guard, Marina inalis sa puwesto dahil sa trahedya sa Iloilo Strait

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 04:22 AM

MAYNILA—Ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pag-alis sa puwesto ng ilang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) sa Western Visayas kasunod ng trahedya sa Iloilo Strait.

Ayon sa kalihim, ito ay upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon sa paglubog ng 3 bangkang de-motor na ikinasawi ng 31 katao.

Titiyakin naman umano na sasampahan ng kasong kriminal ang mga opisyal kung mapatutunayang may pagkukulang sila sa nangyari.

Inatasan din ni Tugade ang Marina na mabilisin ang pagbibigay ng permit sa mga roll-on roll-off (Roro) fast craft vessel na babiyahe sa ruta ng Guimaras-Iloilo.

Iginiit din ng kalihim ang modernisasyon ng mga bangka upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya.

Samantala, bibigyan ng trabaho ng transportation department ang kalipikadong pamilya ng mga nasawi sa Marina, PCG at Philippine Ports Authority.—Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.