HULI SA DASHCAM: Pulis tinutukan ng baril ang isang motorista sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 07:04 PM | Updated as of Aug 08 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sinibak na sa puwesto ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang pulis na nanutok ng baril sa motoristang hindi umano nagpasingit sa kinabibilangan nitong convoy sa Quezon City.

Kinilala ang pulis bilang si Master Sgt. Wilson Aquino, na nakatalaga sa tactical motorized reaction unit ng Quezon City Police District Station 3.

Nag-ugat ang pagkakasibak kay Aquino sa reklamo nang tinutukan niya ng baril ang motorista na si alyas "Robert," sabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Pinaimbestigahan ni Eleazar ang kuha ng dashboard camera ni "Robert" sa insidenteng nangyari noong hapon ng Hulyo 26 sa may Commonwealth Avenue.

Sa kuha, makikitang nag-overtake ang puting sport utility vehicle (SUV) sa sasakyan ni "Robert" at pilit siyang pinahinto ng mga lalaking sakay nito.

Dinig sa kuha na humingi ng dispensa si "Robert" pero tinutukan pa rin siya ng baril ng lalaking nakasakay sa likod ng SUV.

Bumaba ng sasakyan ang lalaking nanutok ng baril, naglabas ng shotgun at nilapitan si "Robert."

Maririnig sa kuha na hinihingi ng mga pulis na bahagi ng convoy ang lisensiya ni "Robert" at sinabihan siyang ayusin ang pagmamaneho.

Ayon kay Eleazar, dapat bigyan ng courtesy ang mga official convoy lalo kung marked vehicles pero malinaw daw na ang mga kasabay ni "Robert" ay mga pribadong sasakyan.

"Clearly nakita natin 'yong pagkakamali ng police natin doon... We are here to serve and protect, not to intimidate or threaten our citizens," ani Eleazar.

Sinabi rin ni "Robert" na hindi niya alam na magka-convoy ang 2 sasakyan kaya hindi niya napagbigyan.

"Ba't kailangan ganoon, ba't kailangang baril pa ang itutok sa akin? Parang di naman po yata makatuwiran," aniya.

Nabatid din na naka-leave si Aquino nang mangyari ang insidente at agad na ipatatawag pagbalik niya sa Agosto 20.

Inihahanda na ang mga kasong kriminal at administratibo laban kay Aquino habang iniimbestigahan ang iba pang lalaki na nasa video.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.