12 nasagip mula sa 'pambubugaw' sa KTV bar sa Camarines Norte

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2019 09:55 AM

DAET, CAMARINES NORTE – Nasagip ng National Bureau of Investigation ang aabot sa 12 babae na ibinubugaw umano sa KTV bar sa Barangay Lag-on sa lungsod na ito. 

Siyam na taon nang nag-o-operate ang naturang KTV bar; pero lumalabas sa surveillance ng NBI na may nagaganap ditong prostitusyon.
 
Sa bisa ng entrapment operation, naaresto ng NBI ang may-ari ng bar na si alyas “Charlie,” na tumanggi sa bintang tungkol sa kaniyang club. 

“Nagkataon na may nangailangan siguro maski tanungin ang lahat ng tauhan na bawal 'yan sa amin at wala kaming ina-allow. Nagtataka ako na nangyayari ang mga ganun,” anang may-ari. 

Ayon kay Rex Solano, team leader ng NBI – Naga district office, pinagbabayad umano ng P1,500 ang mga parokyano. 

“Siya ang nag o oversee. Sa halagang P1500, pwedeng iakyat ang babae sa may VIP. Doon na nagkakaroon ng solicitation of sexual favors,” ani Solano. 

Kasong paglabag sa 9208 o Anti-Human Trafficking In Persons Act ang isinampa ng NBI laban sa may ari ng bar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.