Multa sa nangongontrata, colorum taxi sa NAIA, itataas

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 09:02 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:26 AM

Mas mataas na ang ipapataw na multa sa mga nangongolorum at nangongontratang mga taxi sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Batay sa Joint Administrative Order No. 2014-01, P5,000 na ang multa sa mag-o-overcharging, at P120,000 na sa mga colorum na taxi. Ang order ay bunga ng memorandum of agreement na pirmado ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). 

Bago ang MOA ng MIAA at LTFRB, P2,000 lang ang multa sa mga nangongontrata at P1,000 sa mga colorum kaya madaling nakababalik sa ilegal na gawain ang mga ilang taxi.

Nasa 400 units ang nahuhuli ng MIAA na nag-o-overcharge kada buwan, at dalawang colorum naman kada buwan.

Dati nang nagtalaga ng mga LTFRB enforcer sa airport pero ngayon, mas magiging mahigpit na umano ang kanilang panghuhuli.

Magkakaroon din ng sariling impounding area ang NAIA.

Abiso ng MIAA sa publiko, iwasang makipag-usap sa mga "solicitor" o 'yung mga nag-aalok ng sakay paglabas ng terminal. 

Agad isumbong sa kanila ang mga umaabuso sa pamamagitan ng text o email.

Magduda rin kung walang marka ang sasakyang taxi at iwasang kumuha ng taxi sa labas ng airport.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.