5 magkakaanak minasaker, sinunog sa Zamboanga del Norte

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2020 09:09 PM

May mga kasama pa umano ang suspek para isagawa ang masaker. Retrato mula sa Siocon police

SIOCON, Zamboanga del Norte — Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang pamilya dito matapos silang paslangin sa loob mismo ng kanilang bahay noong Miyerkoles.

Sa imbestigasyon, Miyerkoles ng gabi nang sumugod sa bahay ng mga biktima ang supek na nakilalang si Elpidio Obaniana.

May mga kasama pa umano ang suspek para isagawa ang masaker.

Pinatay umano ang mga biktima bago sinilaban ang kanilang bahay. 

May natagpuan ding 3 basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen. 

Lumalabas na personal na galit ang dahilan ng pagpatay ng suspek at napag-alaman ding kaanak nito ang mga biktima.

Bago pa ang insidente, nakatawag pa umano sa cellphone sa kaniyang kapatid, ang isa sa mga biktima, kaya nakilala ang suspek.

Pinaghahanap na ngayon si Obaniana na nahaharap sa kasong murder at arson.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.