P3.4-milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 05:00 AM

MAYNILA—Nasamsam ng mga awtoridad ang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Harbour Square, Maynila Miyerkoles ng madaling-araw.

Nahuli rin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) drug enforcement unit ang 3 drug suspects.

Ayon sa NCRPO, nangyari ang transaksiyon sa loob ng SUV ng mga suspek.

Nakabili ang nagpanggap na buyer sa mga suspek ng kalahating kilo ng shabu na may halagang P3.4 milyon.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, galing Cavite ang droga na ibinabagsak sa mga big-time drug pusher sa Metro Manila.

Ginagawa rin umanong safe house ng mga suspek ang mga condominium unit dahil mahigpit ang seguridad sa mga ito.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.