Estudyante pinaghahanap matapos tangayin ng agos sa ilog

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 08:03 PM

COTABATO CITY — Isang grade 4 na estudyante ang pinaghahanap matapos siyang tangayin ng malakas na agos ng ilog habang naliligo sa ilalim ng Matampay Bridge noong Martes. 

Naluluha sa pag-aalala si Absari Masla dahil hindi pa rin natatagpuan ang kaniyang 10-taong gulang na apo na si Benzar.

Galing umano ng eskuwela si Benzar at naligo sa ilog kasama ang mga kaibigan bandang alas-2 ng hapon noong Martes. 

"Tinanong ko sa teacher, hindi raw pumasok sa hapon. Tapos nung nakita ko ang uniform niya nakasabit sa tulay dun sa kabila. Pero wala ang bag niya. Sabi nila tumalon sa ilog," sabi ni Masla. 

Tulong-tulong na ang pulisya, coast guard, at lokal na pamahalaan sa paghahanap sa paslit. 

Posible umano itong natangay patungong Rio Grande de Mindanao.

Umaasa naman ang lolo ng bata na makikita pang buhay ang kaniyang apo.

Nagpaalala din ang pulisya na huwag hayaang maligo sa ilog ang mga bata. 

"Paalala din natin na huwag nating hayaan maligo sa ilog ang mga minors," ani Police Capt. Romel Canto, hepe ng Cotabato City police station 1. 

—Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.