Broadcaster timbog sa paghingi umano ng ‘payola’ sa opisyal ng DPWH

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 07:32 PM | Updated as of Aug 07 2019 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado ang broadcaster ng isang radio station matapos umanong manghingi ng P200,000 buwanang "payola" mula sa isang undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mismong sa banyo sa loob ng opisina ng DPWH inaresto si Romeo Padlan nitong Miyerkoles matapos niyang tanggaping ang sobre laman ang marked money mula sa tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Ayon kay DPWH undersecretary Emil Sadain, noong Hunyo pa naglalabas ng blind item at batikos sa kaniya si Padlan tungkol sa korupsyon at pambababae, na wala raw katotohanan. 

Hanggang nakatanggap na raw siya ng mga text ng pagbabanta at paghingi ng P1 milyon para matigil ang mga mapanirang komentaryo.

"Buong buhay ko wala akong kaso tapos ito pa ang sisira sa akin," depensa ni Sadain.

Nagkunwari si Sadain na payag siya sa monthly payola na nais ni Padlan, at napababa niya ito sa P200,000. Doon na ikinasa ng mga operatiba ng NBI ang entrapment.

Itinanggi ni Padlan ang lahat ng mga akusasyon. Hindi raw siya bayaran at pinag-iinitan lang daw siya ni Sadain dahil sa mga isinisiwalat niya.

Natuklasan din na may iba pa umanong hinihingan ng pera si Padlan sa DPWH.

Kulong si Padlan sa kasong robbery-extortion at cyber libel.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.