ALAMIN: Batas sa mahigpit na pagre-report ng mga sakit, epidemya

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 12:08 PM | Updated as of Aug 07 2019 12:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Mandatory na ngayong abisuhan ng gobyerno ang publiko sa mga paalala tungkol sa mga nakahahawang sakit at mga epidemic, sa bisa ng isang batas. 

Alinsunod ito sa Republic Act 11332 na nilagdaan nitong Abril, na inilaan para sa mas mahigpit na pag-monitor at pagre-report ng mga sakit, epidemya, at iba pang health concerns. 

Inaatasan ng batas ang Department of Health na magbigay ng mga update at maglabas ng listahan ng mga sakit na dapat malaman ng publiko. 

Ayon sa abogadong si Noel Del Prado, kinakailangan ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan na magbigay ng eksaktong tala ng mga nabiktima ng nasabing sakit. 

"May emergency man o wala, dapat lahat ng mga lugar required na magbigay ng accurate o eksaktong tala: ilan na ba ang naapektuhan nito at ilang na ang namatay?" ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes. 

Kinakailangan rin sa batas ang pagsasaad ng mga protocol sa pag-uulat ng mga sakit at mga proseso para maprotektahan ang mga empleyadong magsasagawa ng disease surveillance at response activities.

Minamandato rin ng batas ang health secretary na magdeklara ng epidemiya, maliban na lang kung maaapektuhan nito ang seguridad ng bansa. 

Halimbawa rito ang pagdeklara ni Health Secretary Francisco Duque ng national dengue epidemic. 

Multang P20,000 hanggang P50,000 at pagkakakulong na 1 hanggang 6 buwan ang maaaring iharap ng mga lalabag dito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.