7 pasahero ng lumubog na bangka, nasagip

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 09:18 AM | Updated as of Aug 07 2019 03:50 PM

Nagpalutang-lutang sa dagat ng halos isang oras ang mga pasahero ng lumubog na bangka bago tuluyang nasagip ng Philippine Coast Guard.

Ligtas ang lahat ng mga pasahero ng isang pampasaherong bangka na nagkaaberya sa dagat na sakop ng isla ng Olango sa Lapu-Lapu City, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa report, lulan ng bangka ang 7 pasahero na patungo sanang mainland ng Lapu-Lapu City.

Inamin ng mga pasahero na pinilit nila ang boat operator na ihatid sila para makapasok sa trabaho. May ilang araw na umano silang hindi nakakapasok sa trabaho dahil sa gale warning sa buong Visayas.

Pasado alas-4 ng madaling araw nang maglayag ang bangka mula Olango Island. Hindi nila inasahan ang malalakas na alon sa karagatan hanggang sa dahan-dahan nang lumubog ang bangka nang pasukin na ito tubig.

Dagdag pa ng mga pasahero, halos isang oras silang nagpalutang-lutang sa dagat bago sila nailigtas ng Philippine Coast Guard. 

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng PCG ang mga biyahe sa dagat lalo na sa mga maliliit na sasakyang pandagat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.