2 huli sa Caloocan dahil sa pagbebenta ng 'marijuana'

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 03:20 PM

MAYNILA — Nasa P342,000 halaga ng hinihinalang marijuana ang nakumpiska sa 2 naarestong suspek sa buy-bust operation sa Caloocan City ngayong Miyerkoles.

Nangyari ang operasyon sa Barangay 150, Bagong Barrio bandang 3:50 ng madaling araw, ayon sa ulat ng Northern Police District.

Binentahan umano ng mga suspek na sina alyas "Mar" at "Danilo" ang isang pulis na nagkunwaring buyer ng isang bag ng hinihinalang marijuana na nagkakahalagang P2,000.

Nakuha rin sa mga suspek ang plastic bag na may lamang hinihinalang marijuana at nagkakahalagang P20,000, at 16 piraso ng tape-sealed bricks na may hinihinalang marijuana at nagkakahalagang P320,000, ayon sa ulat.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek, sabi ng pulisya. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.