Kagawad at 3 iba pa na umano'y mga carnapper, timbog sa Sultan Kudarat

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 12:21 PM

TACURONG CITY, Sultan Kudarat - Sa kulungan ang bagsak ng 4 na lalaki na umano'y mga carnapper matapos silang mahuli na nagbebenta ng isang motorsiklo dito sa bayan, Martes.

Ayon sa mga pulis, matagal nang notoryus na carnapper sa lugar ang 40-anyos na si Datu Mama Landap na number 1 kagawad sa Barangay Midpandacan.

Arestado din ang mga kasamahan nito na sina Musaiden Tayantis, Roco Uwa at Felix Rajah Buayan.

"Naka-receive kami ng tawag sa guard ng school sa may poblacion na may 4 daw dun na nagakalikot ng motor," sabi ni Supt. Joefel Siason, hepe ng Tacurong City Police Station.

"Pagpunta namin dun, di pa namin hinuli agad. Inantay namin makuha ang motor at nung nakuha na, dun na namin inaresto," dagdag ni Siason.

Itinanggi naman ni Landap na ninakaw nila ang motor.

"Nagsangla lang kami ng motor. Hindi 'yan totoo. Napagkamalan lang kami carnapper," ani Landap.

Nakuha rin mula kay Landap ang 2 sachet ng shabu, habang ang mga kasamahan nito ay nakuhanan ng 3 sachet ng shabu.

Sinampahan na ng kasong carnapping at possession of dangerous drugs and explosives ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.