11 rabies-related deaths, naitala sa Region 12

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 03:07 PM | Updated as of Aug 07 2018 03:55 PM

GENERAL SANTOS CITY – Umabot na sa 11 ang bilang ng mga taong namatay dahil sa bangis ng rabies mula Enero hanggang kasalukuyan ng taong ito Soccsksargen, ayon sa Department of Health.

Nasa 44 naman ang nasawi sa rabies mula pa noong nakaraang taon. Pinakamarami sa South Cotabato (18), kasunod ang North Cotabato (9), Sarangani Province (5) at Sultan Kudarat (1), ayon sa Department of Health Region 12.

"Bawal lagyan ng bawang kasi lalo ma-infect ‘yan. Dapat hugasan lang ng tubig at sabon for 10 to 15 minutes bago magpa-rabies vaccine," pahayag ni Dr. Ali Tumama, ang Regional Rabies Manager ng DOH- 12.

Nasa 9,000 hanggang 12,000 ang animal bite cases sa buong rehiyon sa bawat quarter. Kung susumahin, aabot sa 46,225 ang animal bite cases sa Region 12 noong nakaraang taon. Sa bilang na ito, 38,477 ang naturukan ng anti-rabies vaccine.

Dagdag pa ng DOH, malalalaman na isang rabid dog ang nakakagat kapat kinakitaan ito ng sintomas.

"Pwede furious o dumb type. Pag furious nagwawala nauulol, pag dumb nanghihina lang at natatakot sa liwanag, kailangan pabakuna wag na hintayin symptoms," paalala ni Tumama.

Sa South Cotabato, problema naman ang kakulangan ng bakuna kontra rabies. Ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, tatagal na lang ang vaccines nila ng 2 linggo. Nakakaalarma din ang bilang ng animal bite cases sa lalawigan na umabot na sa higit 8,000 ang bilang.

"Alarming na siya kasi mas tumataas pa e...25 percent na higher kaysa the past month," pahayag ni John Arlo Codilla, ang program director ng PESU sa South Cotabato.

Sa Sultan Kudarat naman, kinukulang din ang anti-rabies vaccines. Higit sa 8,000 na rin ang bilang ng animal bite cases sa probinsiya.

Sa General Santos naman, patuloy na nagsasagawa ng house-to-house vaccination ang City Veterinary Office, may mga libre pang anti-rabies vaccine na ipinamimigay para sa mga alagang aso. Isinusulong din ng City Veterinary Office ang responsableng pag-aalaga ng mga hayop lalo na’t may anti-stray animal ordinance ang lungsod.

"Gusto naming i-warn ang mga pet owner na may Anti-Rabies Act na nagpapataw ng mabigat na parusa para sa mga iresponsableng pag-aalaga ng hayop," pahayag ni Dr. Ephrem Marin, ang City Veterinarian ng General Santos.

Sa ilalim ng Anti-Rabies Act, mula P500 hanggang P25,000 ang multa sa sinumang mapapatunayang iresponsableng pet owner. Ulat nina Jay Dayupay at Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.