Sahod problema ng ilang Pinoy seaman na apektado ng pagsabog sa Beirut

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 09:14 AM | Updated as of Aug 06 2020 09:32 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Pinoproblema ng ilang Pilipinong seaman na apektado ng pagsabog sa Beirut, Lebanon ang kanilang napurnadang sahod, kuwento ng isa sa kanila, Huwebes.

Sa 13 Pilipinong crew ng Orient Queen ship, isang kusinero lang ang nakakuha ng unang buwan ng kanyang sahod, habang ang iba ay nito pang Pebrero hindi sumusuweldo, sabi ng waiter na si Nestor Enrera.

Dumaong aniya sa Beirut ang barko nitong Hunyo at hinihintay ng crew ang kanilang sahod nang magkaroon ng 2 malakas na pagsabog sa pier, na naramdaman hanggang sa malalayong parte ng lungsod at gumiba sa mga gusali.

“Ang pangako ng may-ari po is bago kami makaalis, ibibigay po iyong full payment namin. Pero nangyari po itong pagsabog,” sabi niye sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo.

“Wala pa po kaming update kasi inaasikaso pa po nila iyong lahat ng tao… Hindi po namin sila nako-contact,” dagdag niya.

Lumubog ang sinasakyang barko ng mga Pilipino dahil sa pagsabog kaya napilitan silang tumalon, dahilan para maiulat silang nawawala. Natagpuan na silang lahat ng mga awtoridad.

Nasa hotel ang 12 sa kanila, habang nagpapagaling sa ospital ang isa dahil sa dislocated na buto sa paa, sabi ni Enrera.

Naghihintay aniya ang grupo ng flight pauwi sa Pilipinas, pero kailangan nila ng tulong dahil hindi nila naisalba ang kanilang mga personal na gamit at dokumento mula sa barko.

Nakipag-ugnayan na sa mga seaman ang Embahada ng Pilipinas, ani Enrera.

Magpapadala rin ng kinatawan sa kanila si Labor Secretary Silvestre Bello para ayusin ang kanilang napurnadang sahod.

“Aayusin namin iyong repatriation nila para makauwi sila rito,” sabi niya sa TeleRadyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.