Ilang residente ng Batangas, may takot sa pagpunta sa ospital

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 11:59 PM | Updated as of Aug 07 2020 12:17 AM

MALVAR, Batangas - Ilang residente ng Batangas ang nangangamba pa ring magpakonsulta o magpagamot sa mga ospital dahil sa takot na mahawaan sila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang anak ni Gloria Narado ay may G6PD deficiency genetic disorder. Pero imbes na pumunta sa ospital para sa buwanang check-up ng bata, sa online na lang ang kanilang konsultasyon dahil sa takot sa COVID-19.

"Lalo na sa kanya na G6PD siya, kasi bawal siya mismo mapunta sa ospital...through internet na lang din ang usap namin ng pedia niya. Doon na lang nagpapacheck up kasi kailangan niya monthly chine-checkup," ani Narado.

Naka-schedule ang pagpunta niya sa health center para sa bakuna ng anak.

Ang kapitbahay niyang senior citizen na si Nieves Tiocson, stay-at-home na lang daw muna.

"Tiis na lang sa mga gamot na binibili doon. Halimbawa, may mga lagnat, magpapabili na lang akong gamot sa botika," ani Tiocson.

Pasalamat naman si Jessie Rivera na simula ng magkaroon ng community quarantine sa kanilang probinsiya ay walang nagkakasakit sa pamilya. Nangangamba rin naman daw siyang pumunta sa ospital dahil sa COVID-19.

"Baka ho dun pa mahawa. Eh di ang ginagawa na lang po namin, pag-iingat na lang ho sa bahay," aniya.

Habang may pandemiya pa rin, hanggat maaari raw ay sa bahay na lang daw muna sila Rivera upang maiwasang mahawa ng sakit.

Nitong Huwebes, nagtala ang Pilipinas ng 3,561 panibagong kaso ng COVID-19. Nasa 119,460 na ang dami ng naitalang inpeksiyon sa bansa.

Ang Pilipinas na ang may pinakamadaming kaso sa buong Southeast Asia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.