Halos P6-milyon halaga ng shabu, nasabat sa 2 buy-bust sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 06:54 AM

MAYNILA - Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Makati City Police ang aabot sa P6-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod nitong Miyerkoles. 

Arestado ang 2 lalaking ayon sa pulis ay magkasabwat sa bentahan ng shabu sa lungsod. 

Unang inaresto ang isang alyas "Jay-ar" sa operasyon ng PDEA Special Enforcement Service at ng pulisya sa isang gasolinahan sa Barangay Pio Del Pilar bandang ala-1 ng hapon. 

Nakumpiska sa kanya ang isang plastic bag na naglalaman ng 5 plastic na may nasa 500 gramo o P 3.4 milyong halaga ng umano'y shabu. 

Kasama dapat ni "Jay-ar" sa transaksyon ang isang alyas "Empoy" pero hindi ito nagpakita. 

Pero sa follow-up operation bago mag-alas-7 ng gabi, inaresto naman ng pulis Makati sa isang bahay sa Bgy. San Isidro si "Empoy". 

Bibili dapat sa kanya ang nagpanggap na buyer ng P50, 000 halaga ng shabu, pero nakumpiska naman sa kanya ang nasa 375 gramo o mahigit P2.5 milyong halaga ng droga. 

Nakuhaan din siya ng drug paraphernalia. 

Ayon kay Makati chief of police Col. Oscar Jacildo, posibleng napaghinalaan ni "Empoy" na magkakahulihan sa unang operasyon kaya hindi ito nagpakita. 

Sabi ni Jacildo, pawang sa mga online chat nakikipag-usap ang mga suspek sa kanilang mga binebentahan ng droga na nire-refer sa kanila.

Gumagamit pa sila ng code o sikretong salita para pag-usapan ang transaksyon at nakikipagkita na lang nang personal para makuha ang droga.

Hawak ng PDEA si "Jay-ar" at nasa kustodiya naman ng Makati police si "Empoy". 

Pareho silang kakasuhan ng drug selling and possession sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.