Mayor Isko, Tourism Sec. Puyat, nag-field trip sa Maynila

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 10:11 PM

MAYNILA - Nag-ikot sa Maynila sina Mayor Isko Moreno at Department of Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat nitong Martes.

Inikot ng dalawa ang mga lugar na layong i-rehabilitate para mapangalagaan ang kasaysayan at turismo sa lungsod. 

Sakay ng tranvia ng Intramuros, inikot nina Puyat at Moreno ang iba't ibang pasyalan sa Maynila. 

Sa Intramuros, pinadyak ni Moreno ang isang bamboo bike sakay si Puyat. Ang mga bamboo bike na ito ang pinakabagong puwedeng sakyan ng mga turista sa lugar. 

Magandang halimbawa umano ang Maynila na puwede ang sustainable tourism sa mga siyudad. 

Sa kasalukuyan, nasa halos 100,000 na ang pumupunta sa Luneta tuwing weekend kaya't balak ito gawan ng children's playground para mas mag-enjoy ang mga pamilya. 

Ang Intramuros naman ay lalagyan ng economy hub para makahikayat ang mga kabataan na pumunta rito. 

Target nito na magkaroon ng isang creative economy hub para sa mga artists, performers, o lahat ng inclined sa creatives. Sa Maynila ito balak simulan. 

Ayon kay Puyat, sisimulan na umano ang bidding para sa proyektong ito. 

Para kay sa ilang banyagang turista, magandang mapangalagaan ang tourist spots sa Maynila. Humanga sila na tila nasa loob sila ng kasaysayan sa Intramuros pero maraming mga bahagi ng ilang gusali ang nabibitak na. 

Para naman sa mga pedicab drivers na tour guides, masaya umano sila na posibleng madagdagan pa ang kanilang kita kapag napaganda lalo ang tourist spots sa Maynila. 

Nasa P350 kada araw ang kita nila ngayon pero may mga pagkakataon kasi na wala silang biyahe. 

Pinangako ng Department of Tourism na tutulong sila para lalong mapaganda ang Maynila, bagama't wala pang presyo na naibigay, ani Puyat, pinag-uusapan na umano ito. 

Napag-usapan din ang planong vertical urban gardening sa Ongpin at Arroceros Forest Park. 

Ayon kay Puyat, kung makakatulong sila, susuporta rin sa proyekto ang DOT.

Katulong din ng DOT si Moreno at iba pang ahensiya sa patuloy na rehabilitasyon ng Manila Bay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.