5 dayuhan, 1 Pinoy huli sa 'pagdukot' ng Chinese sa Ayala Alabang

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 03:29 PM | Updated as of Aug 06 2019 06:01 PM

Nahuli ng National Bureau of Investigation ang limang dayuhan at isang Pinoy sa umano’y pagdakip ng isang Chinese national sa loob ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City. 

Nag-ugat ang operasyon ng NBI - Special Action Unit nang magsumbong ang guwardya ng subdibisyon na may grupo ng mga Chinese sa naturang bahay na kahina-hinala ang pagkilos.

Kinabibilangan ng apat na Chinese at isang Vietnamese national ang mga dayuhang suspek. 

Sa gitna ng operasyon, nailigtas ng NBI ang biktimang isa ring Chinese na 10 araw nang ikinulong ng mga suspek.

Napag-alaman na nagtatrabaho ang biktima sa online casino na pinatatakbo ng isang Chinese at dinukot umano ito matapos magsumbong ang biktima sa mga awtoridad sa Tsina hinggil sa ilegal na gawain ng kaniyang employer. 

Patuloy naman ang follow-up operations ng NBI matapos mapag-alaman na pawang empleyado rin ng isang online gaming na pinatatakbo ng isang ring Chinese ang mga suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.