2 Chinese nasagip matapos muntikang malunod sa Boracay

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 10:55 PM

Dalawang bakasyunistang Chinese na muntikan nang malunod ang nasagip ng isang lifeguard volunteer at isang vendor Martes ng umaga sa dalampasigan ng Station 3 sa Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.

Ayon sa commander ng Philippine Coast Guard Aklan na si Marlowe Acevedo, naliligo sa dagat si Ren Chunguang, 50-anyos, isang bata, at isa pang lalaki nang bigla umano silang tinangay ng malakas na alon.

Agad naman nakita ng lifeguard volunteer na si Teddy Baylosis na humihingi ang mga ito ng saklolo.

Agad nirespondehan ni Baylosis si Ren at nang maihatid sa dalampasigan, humingi ito ng tulong sa kakilalang vendor na balikan ang dalawa pang Chinese national subalit isa lang ang nasagip, habang ang isa ay hindi na umano nakita.

"After ng information na may alleged isa pang nalunod, agad tayo nagsagawa ng search and rescue operation, pero dahil malakas ang alon, ipinatigil na muna natin," paliwanag ni Acevedo.

Nagpapatuloy ang beripikasyon kung ligtas ang isa pang turista.

"Inikot natin ang bawat resort at tinatanong sila if they have missing guests, para matukoy natin kung may nawawala nga ba," ani Police Major Jess Baylon, hepe ng Malay Police.

Dagdag pa niya, matapos ang insidente,mahigpit na ipinagbawal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Malay ang pagligo sa Boracay beach dahil sa lakas ng hangin at taas ng alon dulot ng habagat.

Naglagay ng pulang bandera ang mga awtoridad bilang babala sa mga turista na mapanganib ang lumangoy sa dagat.

Nagsagawa na rin ng information drive ang mga pulis sa mga resorts at hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.