Tumangay ng cellphone, nag-apply sa katabing tindahan, timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2018 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Linggo ang isang lalaki matapos umanong magnakaw ng cellphone sa tauhan ng isang convenience store sa Barangay Poblacion, Makati City.

Nakilala ang suspek na si Durwyn Frias matapos ipakalat sa lugar ang mga larawan niya at lumapit sa biktima ang may-ari ng restoran na katabi ng ninakawang convenience store.

Matapos kasi umanong magnakaw noong Sabado, nag-apply pala ng trabaho sa naturang restoran ang suspek.

"Hindi niya naisip na 'yong pag-iwan niya ng résumé doon (sa restoran), iyon ang ikakapahamak niya," ani Senior Superintendent Rogelio Simon ng Makati police.

Sa kuha ng CCTV sa insidente, mapapanood na abala ang mga tauhan ng convenience store sa paglilinis nang biglang pumasok ang suspek at tinangay ang cellphone sa counter.

Hindi agad napansin ng mga tauhan ang pagkawala ng cellphone at nabatid lang ang nangyari nang panoorin ang CCTV footage.

Nang mahuli, inamin ni Frias ang pagtangay pero naibenta na raw niya ang P40,000 na cellphone sa halagang P2,000 sa kalapit lang din na tindahan ng cellphone.

Ayon sa suspek, ibabalik naman daw niya ang cellphone.

Nahaharap si Frias sa kasong theft.

Inaresto din ang pinagbentahan niya ng nakaw na cellphone dahil sa paglabag sa Anti-Fencing Law.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.