Iba pang biktima ng 'kidnap-for-ransom cops' mula Taguig, lumutang

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2018 08:24 PM | Updated as of Aug 13 2019 03:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumutang ang iba pang biktima ng mga pulis-Taguig na idinadawit sa kidnap-for-ransom.

Nasawi noong nakaraang linggo ang isa sa mga pulis habang naaresto naman ang tatlo niyang kasabwat dahil umano sa pangingikil ng P200,000 sa isang magkasintahan.

Matapos mapanood sa balita ang nangyari, dumulog kina National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo at Southern Police District (SPD) director Chief Superintendent Tomas Apolinario ang tatlong magkakaanak mula Barangay Western Bicutan, Taguig. 

Inireklamo nila ang apat na beses na pambibiktima sa kanila ng mga naturang pulis noong nakaraang buwan.

Sa kuha ng CCTV noong Hulyo 10, Hulyo 12, Hulyo 15, at Hulyo 23, makikitang pabalik-balik ang grupo ng mga pulis sa bahay ng mga biktima. 

Pinasok umano ng mga pulis ang mga bahay at sinabing nakuhanan sila ng droga kaya dapat silang makipag-areglo. 

Dinala rin nila ang dalawang biktima sa presinto at hiningan ng P200,000 para hindi sampahan ng kaso pero tumawad ang mga biktima dahil P60,000 lang ang kaya nilang ibigay.

Pinagbantaan din umano sila ng kamatayan kapag hindi nakabayad ng buong halaga. 

Sa apat na beses umanong pagpunta ng mga pulis, tinangay nila ang P38,000 cash, appliances, gadgets, alahas, tools para sa tricycle, TV Plus, at alkansiya ng mga biktima.

Iniimbestigahan na ang iba pang pulis na inireklamo ng mga biktima, ani Eleazar.

Kapag napatunayang may sala, sinabi ni Eleazar na ipasisibak ang mga pulis sa serbisyo at ipatatanggal sa organisasyon. 

Pinalitan na rin ang lahat ng mga pulis sa Taguig Police Community Precint 1, kung saan nakadestino ang mga sangkot na pulis.

Pinag-aaralan na rin ang pag-rotate o pagpapaikot-ikot sa pagkakadestino ng mga pulis.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.