WWII tunnel sa Bukidnon, dineklarang Provincial Historical Site

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 09:17 PM | Updated as of Aug 05 2020 11:13 PM

Isang man-made tunnel sa Cabanglasan, Bukidnon na gawa raw ng mga Hapon noong panahon ng World War II ang idineklara bilang Provincial Historical Site upang ma-preserve at posibleng maging tourist attraction. Kuha ni Atty. Nemesio Beltran

Dineklara kamakailan bilang Provincial Historical Site ng Bukidnon ang lumang man-made tunnel sa bayan ng Cabanglasan.

Ito ay para ma-preserba ang estraktura at posibleng maging atraksyon sa mga turista, batay sa resolusyon ng pamahalaang panlalawigan na inaprubahan noong Hulyo 21.

Dekada ‘80 nang unang nadiskubre ng mga residente ng Barangay Poblacion ang tunnel matapos silang maghukay sa lupa para sa gagawing septic tank.

“Nagtaka ang mga residente noon bakit mayroon ng hukay sa ilalim ng lupa. Pumasok sila sa loob at nakita nila na mayroong tubig sa tunnel," kuwento ni Cabanglasan Mayor Renante Inocando ngayong Miyerkoles.

"Sinubukan nilang mag-treasure hunt. 1984 unang napasok ang tunnel. Nakita nila sa loob na mayroong mga bato na pormang mesa at upuan. Hindi nila ito tuluyang pinasok dahil natakot sila sa loob,” dagdag niya.

Ayon sa lokal na kasaysayan ng bayan, gawa ng mga Hapon ang tunnel noong World War II.

“Sa history ng Cabanglasan, dito raw nangyari ang mga huling pakikipaglaban sa mga Hapon. Sabi ng mga nakatatanda, inakala ng mga Hapon noon na mas ligtas sila sa Cabanglasan," sabi ni Inocando.

"Usap-usapan na rin noon na mayroong tunnel na ginawa sa ilalim ng Cabanglasan.”

Pinaniniwalaang mayroong maraming lagusan ang tunnel sa ilalim ng lupa, pero hindi pa ito bukas sa publiko hangga’t hindi pa mapasok ng mga awtoridad at masuri ng mga eksperto.