Mga grupo nagambala sa hirit na regulasyon sa social media sa ilalim ng anti-terror law

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 06:15 PM | Updated as of Aug 05 2020 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nangangamba ang ilang grupo at netizens sa naging pahayag ni bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na isama ang pag-regulate sa social media sa implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act.

"We'll be providing some inputs on countering violent extremism and likewise maybe regulating, even regulating social media because this is the platform now being used by the terrorists to radicalize, to recruit and even plan terrorist acts," ani Gapay.

Hindi ito nagustuhan ng mga netizens.

Nakilala si Marie Dinglasan o Aling Marie bilang galit na sari-sari store owner sa social media. Pero nangangamba siya na ang kanyang kinahiligang pagpapahayag ng saloobin sa social media, gagamitin laban sa kanya.

Isa siya sa mga naghain ng petisyon kontra sa anti terror law sa Korte Suprema noong nakaraang linggo.

"Hindi niyo man direktahang sasabihin na yan ay gagamitin niyo sa amin pero kami po ay may mga pangamba na pwede niyo gamitin yan kahit na kami ay walang pagkakasala," aniya.

Ganito rin ang pananaw ng ilang grupo.

"That will go beyond the real intent of the law and, therefore, it is illegal and unconstitutional. Freedom of speech is a sacred and inviolable right of every human being. The constitution guarantees freedom of speech," ani Senate minority leader Franklin Drilon.

"Expanding the reach of an already vague law to cover people's social media activities would only end up in a martial law in cyber space," ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.

Diskumpiyado din si National Union of Peoples' Lawyers (NUPL) president Edre Olalia.

"An implementing rule and regulation cannot dilute, expand or cure a defect much less clarify... terrorism as defined under the law is vague and broad. If they do clarify those certain provisions, they are validating our objection on its unconstitutionality," ani Olalia.

Pero paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque, walang dapat ipangamba dahil hindi saklaw ng anti-terror law ang mga posts sa social media.

"Opinion po yan ni General Gapay dahil binasa ko naman po ang anti-terror law, walang probisyon doon na magagamit sa social media. Ang meron po diyan ay ang cybercrime law," ani Roque.

Para kay dating Justice Assistant Secretary Geronimo Sy, may basehan sa batas para isama ang social media sa saklaw nito pero ang kailangang linawin sa IRR ay ang ilang probisyon sa batas, kabilang ang malawak na depinisyon ng terorismo at ang araw na puwede madetine nang walang kaso.

"Kung expansive yung grounds natin, yung time of the arrest or period of detention, iksian, lagyan ng levels. Kung social media, maybe 6 hours interrogation, wala namang imminent threat to public danger yan," ani Sy.

Kailangan din ng mga safeguards para masigurong hindi maabuso ang batas.

"Judicial intervention at the earliest possible issue. And respecting free speech and recognizing that social media can also be a force for criticism, for constructive work and not necessarily for bad practices," dagdag ni Sy.

Pero paalala niya, kailangan ding responsable ang paggamit ng social media at totoo ang banta na dala ng terorismo.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na masyado pang maaga para masabi kung isasama ang social media sa IRR ng anti-terrorism act na kasalukuyang binabalangkas ng Department of Justice legal team.

Inaasahan nila itong matapos sa loob nang 90 araw.

May 23 petisyon nang inihain sa Korte Suprema laban sa kontrobersiyal na batas.

Pinakahuli ang grupo nina House deputy minority leader Mujiv Hataman at isa pang grupo ng mga Mindanao lumad na parehong naghain ng petisyon sa Korte Suprema noong Martes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.