'Hiyang-hiya na kami': Ilang jeepney drivers balik panlilimos dahil sa MECQ

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 02:51 PM

MAYNILA — Kasabay ng muling pagsasailalim ng Metro Manila at mga karatig na lugar sa mas mahigpit na community quarantine, balik din ang kalbaryo ng mga tsuper ng jeepney dahil sa panibagong tigil-pasada. 

Sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Maynila, nakahanap ng pansamantalang tirahan ang mga grupo ng jeepney driver na nawalan ng kita simula pa noong Marso dahil kawalan ng biyahe. 

Gaya sa ibang mga lugar, pamamalimos ang tanging pag-asa nila ngayon kung saan mga pribadong motorista na nag-aabot ng kahit kaunting barya. 

Si Renato Miraran na mahigit 3 dekada nang jeepney driver, dumadaing dahil 6 na anak ang kaniyang binubuhay.

"Anim ho ang anak ko, meron ho limang taon, yun na nga lang iniraraos namin dito, nanghihingi kami para may makain," aniya. 

Si Danilo Francisco naman na mahigit 20 taon nang jeepney driver, nahihiya na sa ginagawa nilang pamamalimos pero wala siyang magawa dahil wala ring ibang maasahan. 

"Hiyang-hiya na po kami sa ganitong pagpapalimos, pero talagang wala po kaming magagawa, wala po kaming ibang pagkakakitaan ng pera, nagtatiyaga na lang po kami kahit konting barya kahit papaano meron po para may maitustos sa aming pamilya," sabi ni Francisco.

Dahil magpapasukan na sa eskuwela, lalong mas importante para sa isang padre de pamilya na may pinag-aaral na anak ang trabaho sa panahon ng pandemya. 

"Sana po kahit maliit na trabaho po papasukan namin basta makapaghanapbuhay lang po para sa mga bata, lalo na po malapit na po yung pasukan," hiling ni Victotriano Mercado. 

Hiling nila ngayong modified enhanced community quarantine (MECQ), makabiyahe na muli para maibalik sa normal ang kanilang buhay. 

"Sana ibalik yung biyahe namin, yun lang yung panawagan namin, ngayon andami namin nawalan ng trabaho sana naman maintindihan kami ng gobyerno at ibalik na yung biyahe namin kahit papaano," ani Miraran

Tatagal ang MECQ hanggang Agosto 18. Bago nito, nasa general community quarantine na ang Metro Manila kung saan nakakabiyahe ang ilang tradisyunal na jeepney. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.