Biyahe ng mga bus, jeep sa Cavite ipinagbawal

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 06:27 PM


Ipinagbawal ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pampublikong transportasyon sa Cavite, taliwas sa kagustuhan ng pamahalaang panlalawigan, sabi ngayong Miyerkoles ni Governor Jonvic Remulla.

Sa kaniyang Facebook post nitong umaga, humingi ng paumanhin si Remulla sa mga taga-Cavite dahil pinawalang bisa ng IATF ang kaniyang desisyon noong Martes na pabiyahihin ang mga pampublikong sasakyan para magserbisyo sa mga manggagawa at essential workers, basta susunod sa health protocols.

Ayon kay Remulla, very unwise o hindi nararapat ang desisyon ng IATF pero nirerespeto niya ito.

Naniniwala si Remulla na malaki ang magiging epekto nito sa manufacturing industry ng probinsiya.

Limitadong bilang lang ng mga tricycle ang puwedeng bumiyahe o 30 porsiyento kada toda.

Mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw naman ang curfew sa Cavite.

Pinauubaya naman ni Remulla ang liquor ban sa mga mayor.

Sa Imus, puwede namang bumili ng alak basta sa loob ng bahay lang iinumin.

Nakalatag na ang mga checkpoint sa buong lalawigan.

Magpupulong umano ulit ang provincial government para sa posibleng pagbibigay ng shuttle o libreng sakay sa mga apektadong manggagawa.

Muling isinailalim ang Metro Manila, Bulacan, Cavite at Laguna sa modified enhanced community quarantine simula Martes hanggang Agosto 18.

Kasunod ito ng apela ng mga medical frontliner dahil sa pagdami ng mga COVID-19 patient sa mga ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.