Trahedya sa Iloilo-Guimaras: Paghahanap sa mga nawawala tuloy

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpatuloy ngayong Lunes ang paghahanap sa mga nawawalang pasaherong sakay ng 3 bangkang magkahiwalay na tumaob sa Iloilo Strait nitong Sabado.

Ayon sa mga awtoridad, dahil sa masamang panahon, pahirapan ang search and retrieval operations sa 6 pang nawawala.

Kabilang sa mga tumutulong sa paghahanap ang Philippine Air Force na nag-ikot sa bahagi ng Iloilo Strait.

Gumamit naman ng tugboat ang Philippine Coast Goard.

"The 6 missing doesn't mean that all of them at sea or at water pa," ani Allan Victor dela Vega, commander ng Coast Guard District-Western Visayas.

"Puwedeng na-wash out na sa coast o sa shoreline. They could possibly be washed up to Negros Occidental," dagdag ni Dela Vega.

Lumubog noong tanghali ng Sabado ang M/B Chi Chi at M/B Keshia habang alas-4 ng hapon nang tumaob ang M/B Jenny Vince dahil sa malalakas na hangin at alon.

Umabot naman sa 28 ang bilang ng mga namatay sa pagtaob ng mga bangka.

May hiwalay na imbestigasyon ang Maritime Casualty Investigator at Maritime Industry Authority (Marina) kaugnay ng nangyari.

Sa paunang imbestigasyon, wala umanong problema ang mga bangka at nadale lamang ng masamahang panahon.

Iginiit naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang weather disturbance bago ang insidente kaya hindi agad napahinto ang biyahe ng mga bangka.

"Walang prohibition," ani PCG spokesperson Captain Armand Balilo.

Iniimbestigahan din kung bakit wala sa passenger manifest ang ilang sakay.

Inaayos ang insurance claim sa mga biktima pero tanging mga nakasulat lang sa passenger manifest ang puwedeng mag-claim.

Kanselado pa rin ang biyahe ng mga bangka at tanging RORO lang ang puwedeng tumawid ng Guimaras.

Pinaiimbestigahan naman ng Marino party-list ang nangyaring trahedya.

Nagpahayag ng pakikiramay ang Malacañang sa mga namatayan.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA SAKAY, DI NAGSUOT NG LIFE JACKET

Ikinuwento naman ng ilang nakaligtas sa trahedya ang kanilang pinagdaanan nang lumubog ang mga sinasakyang bangka.

Ayon Al Salazar, kahit may life jacket sa bangka, hindi ito isinuot ng ibang mga pasahero.

May mga naghanap pa raw ng life jacket habang pataob ang bangka.

Nakaligtas sa pagtaob ng M/B Chi Chi si Fred Malayo, isang mangingisda.

Ayon kay Malayo, tinulungan pa niya ang crew ng bangka para mabalanse ito pero hindi na nila nakayanan dahil malakas ang hangin.

Inamin ni Malayo na hindi siya nagsuot ng life vest.

-- Ulat nina Cherry Palma at Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.