TNVS driver timbog sa umano'y pagtangay ng kotse ng operator

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 05:26 PM

Naaresto noong gabi ng Linggo ang isang transport network vehicle services (TNVS) driver matapos umanong tangayin at isangla ang pinapasadang sasakyan ng kaniyang operator.

Kinilala ang suspek bilang si alyas "Lex," 38 anyos na Grab driver.

Ayon sa operator ni "Lex" na si alyas "Diane," ilang araw nang kulang o walang nire-remit na boundary sa pamamasada ang suspek.

Isang taon nag-Grab driver si "Lex," ayon kay "Diane."

Nabisto ng biyenan ni "Diane" na ibinenta ng suspek ang ipinapasadang kotse sa halagang P27,000 sa Kawit, Cavite.

Narekober sa follow-up operation ang sasakyan mula sa 22 anyos na estudyanteng nakatira malapit sa isang casino.

Isinangla raw ng suspek ang kotse nang malulong sa sugal, ayon kay Police Maj. Roldan Lecete.

Kinasuhan ng carnapping ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.