Pagdeklara ng national epidemic dahil sa dengue pinag-aaralan: Health chief

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan ng Department of Health ang pagdeklara ng national epidemic dahil sa maraming lugar sa bansa na nakakapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng dengue.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makikipagpulong sila sa health cluster ng National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibilidad ng pagdeklara ng national epidemic.

"To address the growing number of dengue cases," ani Duque.

Sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, ang mga sumusunod na rehiyon ang lumagpas na sa epidemic threshold: Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nagdeklara noong Hulyo 15 ang DOH ng national dengue alert dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng sakit sa ilang rehiyon.

Nakatakda ring pag-usapan nitong gabi ng Lunes sa Cabinet meeting ang posibilidad na muling gawing available sa Pilipinas ang Dengvaxia para sa mga pribadong doktor at pasyente.

Permanenteng binawi noong isang taon ng Food and Drug Administration ang certificate of product registration ng Dengvaxia. 

Ito ay matapos aminin ng manufacturer ng bakuna, ang Sanofi Pasteur, na maaring magdulot ng malubhang sintomas ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.