SK kagawad, timbog sa P1.8 milyong 'buy-bust'

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2018 08:01 AM | Updated as of Aug 05 2018 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 1 kilong hinihinalang shabu at baril ang umano'y nasamsam sa isang kagawad ng Sangguniang Kabataan at kasabwat nito sa Pasay City, Sabado ng gabi.

Arestado sa buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group ang incumbent SK kagawad ng Barangay 130, Zone 13, Pasay City na si Christian Joshua Leria.

Nakatanggap ng impormasyon ang CIDG na sangkot sa gun running at drug trafficking si Leria at kasabwat nitong 20 anyos na lalaki.

Bandang alas-8:30 ng gabi nang makabili ang mga operatiba ng isang kalibre .38 revolver mula sa 2 sa halagang P8,000.

Nang pabuksan ang dalang bag, nakuha rin ang 2 plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na higit 1 kilo.

Tinatayang nasa P1.8 milyon ang halaga ng kontrabando.

Ayon sa team leader ng operasyon, higit isang linggo rin nilang minanmanan ang SK kagawad na nagsisilbing drug courier at nagbobodega ng ilegal na droga.

Ayon naman kay Leria, ipina-deliver lang sa kanya ang mga ito.

Maaaring matanggal sa puwesto si Lerio bilang SK kagawad kung mapatunayan ang krimen.

Dalawa silang kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms and ammunition.

Inaalam pa ang pinagkukuhanan ng suplay ng droga ng SK kagawad.

- Ulat nina Lady Vicencio at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.