Ilang guro sumakay ng payloader para maghatid ng modules

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 03:58 PM | Updated as of Aug 04 2020 09:22 PM

Para makatawid sa ilog at makapaghatid ng modules sa mga estudyante, nakiangkas sa payloader ang isang grupo ng mga guro sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro. Screengrab mula sa video ni Michelle Leviste

Hindi na mabilang ang kuwento ng kabayanihan ng mga guro sa iba't ibang panig ng bansa maihatid lang ang edukasyon sa kanilang mga estudyante.

Ilang guro ng P. Olarte Elementary School sa bayan ng Roxas, Oriental Mindoro ang nagpamalas ng pagiging madiskarte nang makiangkas sila sa isang payloader para matawid ang ilog at makapaghatid ng printed modules sa mga estudyante nilang katutubo.

Katatapos lang ng ulan noon at malakas ang agos sa ilog sa Sitio Ilaya kaya pinakiusapan umano ng mga guro ang driver ng payloader sa kalapit na quarring site na itawid sila.

Sumakay ang mga guro sa panghakot ng bato at graba.

"Ia-assess namin ngayon paano ang pinakamadaling paraan para makuha ang modules ng mga bata," sabi ni Michelle Leviste, teacher-in-charge ng P. Olarte Elementary School.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ngayon, modular lang ang tanging paraan para makapag-aral pa rin ang nasa 200 estudyante ng paaralan.

Hindi kasi lahat ay may gadget at kung mayroon man, pahirapan ang signal ng internet, lalo sa mga liblib na barangay.

"Huwag nating hayaan na maging hadlang ang pandemiyang ito sa ating pagkatuto. Instead gawin niyo itong dahilan upang magsumikap pa," anang guro na si Sunshine Falsario.

Desidido naman ang mga guro na balikan ang mga module at gabayan ang mga magulang sa pagtuturo.

"Umaasa kami sa bawat magulang na samahan kaming mga guro para sa pag-aaral ng kanilang mga anak," sabi naman ng guro na si Levi Mangubat.

Nakatakdang mag-umpisa ang mga klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 24.

Ipinagbawal ang pagdaraos ng face-to-face classes ngayong taon para maiwasang malantad ang mga estudyante at guro sa banta ng COVID-19.-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.