Dahil walang commute, construction worker kailangang maglakad nang 18km papunta sa trabaho

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 06:08 AM | Updated as of Aug 04 2020 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi pa pumuputok ang araw ng Martes ay marami nang residente ng Metro Manila ang maagang naglakad para makarating sa kani-kanilang mga trabaho.

Isinailalim ulit sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal matapos manawagan ang mga healthcare frontliners na maglockdown ulit ang mga naturang lugar dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng MECQ, walang public transportation, kaya hirap pumunta sa trabaho ang mga commuter.

Isa dito si Jayson Espineli, construction worker at single dad sa 3 anak. 

Mula Batasan Hills, Quezon City ay maaga siyang tumulak para agad makapunta sa trabaho sa Brixton, Pasig City na halos 18 kilometro ang layo.

Naabutan ng ABS-CBN News sa may EDSA si Espineli na hapo na dahil bukod pa sa layo na ng kanyang nalakad, may bitbit pa siya na mga baon para sa dalawang linggong pag stay-in sa pinagtatrabahuan.

Buhat ni Espineli ang 4 na kilong bigas, mga pagkain, kumot, sabong panligo mga damit at tubig sa kanyang paglalakbay.

"Lahat gagawin mo para makatipid para may mabigay naman ako sa mga anak ko,” aniya.

Matapos malaman ang kanyang kuwento, pinasakay na ng ABS-CBN News team si Espinelli hanggang Pasig. 

Ang security guard naman na si Lito Sulit, alas 3 pa lang ng madaling araw ay naglakad na ng 16 na kilometro mula sa bahay sa Brgy. Payatas, Quezon City papunta sa trabaho sa G. Araneta Avenue sa parehong lungsod.

"Kailangan ko magtrabaho ngayong kahit walang masakyan maglalakad na lang ako para may mapakain sa mga anak ko," aniya.

Ang delivery boy naman na si Ibna Goco, nanghiram na ng bisikleta sa kaanak para hindi kailanganing maglakad mula Munoz, Quezon City papuntang trabaho sa Cubao sa naturang lungsod.

"Nanghiram na ako sa kapatid ko kasi kailangan ko talaga pumasok sa trabaho,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.