Sekyu arestado sa panghahalay ng kasambahay sa Marikina subdivision

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2019 08:42 AM | Updated as of Aug 04 2019 06:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang security guard dahil sa reklamong panggagahasa sa isang kasambahay na nakatira sa binabantayan nitong subdivision sa Marikina City.

Nanginginig at umiiyak ang 19-anyos na kasambahay na si “Elsa” nang harapin sa presinto ang 61-anyos na si “Bong” matapos itong hulihin ng mga tauhan ng Marikina City Police Station Special Operations Unit (SSOU) Sabado ng gabi. 

Kuwento ni “Elsa” sa mga pulis, 2 beses na siyang ginahasa ng suspek, unang beses noong nakaraang linggo at ang huli noong Sabado ng madaling araw. 

Walang kasama noon sa bahay ang biktima dahil nag-abroad ang amo. Kasagsagan ng tag-ulan nang buksan niya ang pinto dahil sa tumatahol na aso. 

Dito sinipa umano ni “Bong” ang pinto at sinaktan si “Elsa” bago dinala ito sa kuwarto para gawin ang panghahalay.

Ayon kay Police Capt. Jervies Soriano, hepe ng SSOU, unang nasumbong sa kanila na nilooban ang bahay bago nalaman mula sa biktima na ginahasa pala ito. 

Nahirapan din ang biktima na ituro sa kanila ang guwardiya dahil ilang beses umanong tinakot ito ng suspek gamit ang baril at kutsilyo.

Ayon sa pulis, 3 buwan pa lang namamasukan sa subdivision si “Elsa” at maaaring naging target ng suspek dahil mag-isa.

Giit ni “Bong”, inosente siya. Nagroronda umano siya noon at hindi rin niya kilala ang biktima. Tingin niya, ibang lalaki ang gumawa ng krimen.

Rape ang inihahandang kaso laban sa guwardiya, na 10 taon nang nagbabantay sa subdivision.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.