SOCO: 12 anyos ginapos, binusalan at sinilaban ng siga sa Sucat

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2018 03:06 PM

 

Nakaligtas mula sa pagkagapos, pagkabusal, at panununog ang 12-taong gulang na si alyas “Suhe” matapos atakihin ng isang notoryus na siga sa Sucat, Parañaque noong Pebrero 21, 2016.

Kinatatakutan ng mga tao sa lugar ang suspek na si Wilfren “Atok” Azaña dahil maging batang paslit ay sinasaktan daw nito.

“Si Atok po, nangungurakot ng mga bata, kapag may nagtitinda ng sampaguita sa kanila. Kinukuha niya 'yung pera,” ayon kay Suhe.

Kuwento ni Suhe, nilapitan siya noon ng suspek sa labas ng isang mall. 

“Kinabahan po ako non kasi bumunot po agad siya sa tagiliran ng kutsilyo, tinutukan ako sa leeg. Sakay daw kami ng jeep papuntang Sucat,” kuwento ng biktima.

Dinala ni Azaña si Suhe sa ilalim ng isang flyover sa Dr. A. Santos Avenue, Barangay BF Homes, Parañaque para gawin ang pambubugbog at tangkang panununog sa biktima.

“Nilagyan niya po 'yung bibig ko ng bato. Binalutan niya ng papel. Nilagay niya sa bunganga ko, di ko po maluwa kasi,” sabi ni Suhe.

Makalipas ang ilang minuto, nagpatulong si Azaña sa dalawa nitong kaibigan para sunugin ang biktima.

“Nagising po ako, naramdaman ko na po na pinapatungan na po ako ng tuyong dahon, karton. Nakaramdam ako ng init. Pababa sa’kin yung apoy,” ani Suhe.

Pero habang nagpupumiglas si Suhe, biglang natanggal ang bato sa bibig nito. Nagkataon namang may rumorondang security guard sa lugar at narinig ang sigaw ng biktima.

Matinding pinsala sa katawan ang tinamo ni Suhe, ngunit nakaligtas ito sa insidente.

Rumesponde naman ang Parañaque police para mahuli ang suspek at dalawang menor de edad na kasama nito. Sinampahan ang tatlo ng frustrated murder.

Nitong Oktubre 26, 2017, nahatulang guilty si Azaña, pero dahil sa pag-amin nito sa krimen, nasentensiyahan lang siya na makulong ng dalawang taon, apat na buwan, at isang araw hanggang apat na taon.

Nahaharap rin sa hiwalay na kasong robbery si Azaña.

Malaki naman ang pasasalamat ng ina ng biktima dahil nakaligtas ito sa trahedya.

“Buti na nga lang po malakas ang loob ng bata. Sabi ko nga, sana ako na lang ang sinunog, 'wag na 'yung anak [ko],” sabi ng ina ni Suhe na si alyas "Annabel."

Nangako naman si Suhe na iiwas na ito sa mga gulo sa lansangan.

“Naisip ko po magbabago na po ako. Hindi na po ako magbabarkada. Lumipat po ako ng bahay. Nagtatrabaho po ako sa ate ko para makatulong ako sa pamilya ko,” sabi ni Suhe.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO” ngayong Sabado, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.