Lalaki nahulihan ng droga, baril at granada sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2018 09:52 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos siyang mahulihan ng droga, baril, at granada sa Tondo, Maynila Biyernes ng gabi. 

Ayon kay Senior Insp. Val Valencia, commander ng Hermosa Police Community Precinct, nag-aayos ng motorsiklo ang lalaki nang mapansin ng mga pulis ang nakasukbit na 9mm na baril.

Nang pabuksan ang dalang sling bag, dito na nadiskubre ng mga pulis ang granada, digital weighing scale, at 10 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P250,000.

Depensa ng suspek, pina-deliver lang sa kaniya ang droga.

Mga kasong illegal possession of firearms and ammunition, explosives, and dangerous drugs ang haharapin niya.

Samantala, inaresto rin ng mga pulis ang isang babae na nagpakilalang ninang ng suspek.

Ito ay matapos umano niya tangkain na suhulan ang pulisya para palayain ang suspek. Mahaharap ang babae sa kasong bribery. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.