Electric bill na lumobo matapos palitan ang kontador inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2018 06:49 PM | Updated as of Aug 15 2019 02:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng isang konsumer sa Cotabato ang kaniyang electric cooperative matapos lumobo ang bayarin nila sa kuryente mula nang palitan ng bago ang metro nito.

Kuwento ni Beth Uluan, noong isang taon ay inireklamo niya sa Cotabato Electric Cooperative Inc (COTELCO) ang umano'y depektibo nilang kontador.

Matapos mapalitan ay dito na nagsimula ang dagok sa pamilya. 

Mula sa mahigit P1,000 na bayarin kada buwan, nagulantang na lang si Uluan nang biglang dumating ang bill para sa Hunyo na P4,700.

Unti-unti raw kasing isinali ang dapat nilang binayaran noong sira ang metro na ang kabuuan ay mahigit P14,000.

"Naiyak ako. Saan ako kukuha ng ganito kalaki na P14,000? May maintenance pa ang papa ko saka mama ko mayroon din. May anak pa akong nag-aaral," hinaing ng ginang.

Sagot ng COTELCO, in-average lang nila ang bill nina Uluan noong panahong sira ang kanilang metro.

Paliwanag pa ng kompanya, nagmahal din kasi ang singil nila sa kuryente kaya lumobo ang bayarin.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang reklamo ni Uluan at sinabing puwede nilang imbestigahan ang insidente. 

"Para malaman kung talaga bang may basehan 'yung kinompute na differential bill ng electric utility," ani Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC. 

Aniya, puwedeng ipadala ang reklamo sa consumer@erc.gov.ph at hindi muna magbayad ng contested bill habang walang desisyon ang komisyon.

Pero dahil hindi makatulog sa pag-aalala, pinilit mabayaran ng pamilya Uluan ang sinasabing utang pero mula P14,000 ay natawaran nila ito ng P11,000.

Gayunpaman, nag-email pa rin si Uluan sa ERC para hindi na ito maulit sa iba. 

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.