Puerto Princesa Underground River, mananatiling sarado sa mga turista

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 04:32 PM | Updated as of Aug 03 2020 11:32 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Hindi pa rin bubuksan para sa mga turista ang Puerto Princesa Underground River.

Ito ang naging pasiya ng Protected Area Management Board ng parke sa isinagawang pagpupulong noong Hulyo 29.

Paliwanag ni Beth Maclang, ang park superintendent ng parke, handa naman na ang mga pasilidad pero nagpasya ang PAMB na hindi pa napapanahon ang muling magpapasok ng mga turista.

"Unanimously, sinasabi nga nila na parang hindi pa siya talaga on the right time na i-open dahil, medyo malulugi tayo sa operating cost, since ang pag-open natin ngayon ng local ay for Palaweño lang na plano," ani Maclang.

"Dapat kasi, as much as possible, at the minimum, maging 700 ang arrival. Minimum 'yun, para lang ma-sustain yung cost. Pero sa tingin natin, kung saka-sakali, mga more or less, mga hindi siguro tataas ng 50 a day ang mga puwede pang pumunta na mga Palaweño o galing sa ibang mga munispyo," dagdag niya.

Sa halip, tututok muna ang pamunuan ng Underground River sa pagbuo ng comprehensive recovery plan ng parke.

Dito nakasaad kung ano ang mga planong kabuhayan para sa mga naapektuhang komunidad at negosyo habang nakasara ang Underground River.

"Yung recovery plan na ito ay yung sa community naman na level na while ganito yung kinakaharap natin na new normal, ano yung mga priorities na dapat ginagawa na natin ngayon pag dumating na yung new normal. (Like) yung mga maliliit na mga vendors natin, rather than yung mga binebenta ay yung mga pang turista --- yung raincoat, yung mga dry bag, sumbrero ang ibebenta nila ngayon," sabi ni Maclang.

"Nakipagtulungan kami at nakipag-partner sa DTI, iyan naman yung pag gawa ng mga dishwashing (liquid), alcohol," sabi niya.

Target na matapos ang plano sa mga susunod na linggo at mailatag sa Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa.

Sa ngayon, hindi pa rin bukas ang mga community-based sustainable tourism sites sa paligid ng parke, maging ang ilang mga accommodations na nakapaligid dito.

Bukas naman ang lugar para sa ilang nais mag-swimming sa Sabang Beach. Sinigurado naman ng pamunuan na may mga nakabantay pa rin dito na mga lifeguard.

Maaari lamang magbukas ang Underground River kapag pinapayagan na ulit ang larangan ng turismo sa buong bansa o kaya ay kung magkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.