Mga stranded individuals sa Rizal stadium pinaalis sa bisperas ng MECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 04:19 PM | Updated as of Aug 03 2020 08:24 PM

MAYNILA — Sa bisperas ng pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine sa Metro Manila simula Martes, pinaalis na ng mga awtoridad ang nasa 20 locally-stranded individuals (LSI) sa labas ng Rizal Memorial Stadium na nagbabakasakaling makauwi sa probinsiya.

Marami sa kanila ay papauwi sanang Davao, Leyte at Dumaguete.

Noong Huwebes dumating ng stadium ang marami sa kanila at umaasa na makakasama sa Hatid Tulong program para makauwi na sa kanilang probinsya.

Pero pagdating nila, paalis na ang huling batch ng mga uuwi bago ang modified enhanced community quarantine (MECQ).

Si Allan Antonio, 2 araw naglakad mula sa Antipolo papuntang Rizal stadium para sana makauwi sa Davao City.

"Maglilimang araw na po bukas simula noong Huwebes. Naglakad ako mula Masinag, Antipolo. Maraming sinasakay na di pa uuwi ng probinsya, ang balita ko dinala sila sa Bulacan. Sana isama kami sa schedule, naniniwala kami na meron pa," dasal ni Antonio.

Kabilang din sa stranded ang mga OFW na sina Ester Castillo at Hudgima Geiri.

"Papunta po ako ng Zamboanga City, kaso nahuli kami pagpunta dito. Sabi po nila tapos na ('yung Hatid Tulong), uwi muna daw kami," sabi ni Castillo

"Nahuli po kami, gusto ko na umuwi kaso wala na kami naabutan pa-Zamboanga po. Naghintay lang kami dito wala na kami pambayad at pamasahe pauwi kaya nagtiis lang dito. Wala na kami pambayad ng renta," apela ni Geiri.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkaroon ng bahagyang tensyon dahil pinaaalis na sila ng mga security guard na iginiit na inutusan lang sila ng management.

Walang magawa ang mga tao na nangangamba lalo't MECQ na sa Martes kaya wala nang biyahe at sarado na ang maraming establisimyento.

Ayon kay Police Lt. Col Michael Garcia ng Manila Police District (MPD) station 9, makikipag-ugnayan sila sa organizer ng Hatid Tulong program para kunin ang mga LSI at mailipat.

Saglit na inilipat sa bangketa ng lumang Harrison Plaza ang mga LSI. Pinangakuan silang ililipat sa Taguig sa Libingan ng mga Bayani pero pinaalis din at binigyan nang hanggang alas-5 ng hapon para magsiuwian muna.

—Mula sa ulat nina Jekki Pascual at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.