Ginayuma si Duterte? Lacson takang-taka kung bakit di masibak sa puwesto si Duque

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 03:56 PM

Senator Panfilo Lacson and Health Sec. Francisco Duque

MAYNILA — Misteryo pa rin para kay Sen. Panfilo "Ping" Lacson kung bakit hindi magawang sibakin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III, sa kabila ng umano'y mga kapalpakan nito sa pagtugon sa pandemya.

Sa isang pahayag, pinagtataka ni Lacson kung anong "magic potion" o gayuma ang ginamit ni Duque para patuloy itong pagkatiwalaan ng Pangulo.

Dagdag pa ni Lacson, posibleng may agimat ang Health Secretary.

"I couldn’t understand what amulet or magic potion Duque has as far as the President is concerned," sabi ni Lacson.

Giit pa ng senador, hindi siya nag-iisa sa panawagan niyang masibak sa puwesto si Duque.

"There were 14 senators who had earlier asked him to resign... Many others in the DOH and the medical community also want him to resign or be replaced," dagdag ni Lacson.

Hindi ito ang unang pagkakataon na binatikos ni Lacson si Duque.

Nauna na niyang sinita ang noo'y tila pagsisi ni Duque sa kaniyang subordinates dahil sa mabagal na pagproseso ng ayuda para sa mga namatay na frontliners.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.