Tindahan ng hinihinalang smuggled gadgets sa Binondo nilusob

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 10:25 PM | Updated as of Aug 03 2019 11:11 PM

MAYNILA—Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang isang tindahan ng high-end gadgets sa Binondo na umano'y nagbebenta ng mga smuggled na produkto. 

Bukod rito, nadiskubre rin ng mga awtoridad na mayroong 15 umano'y undocumented na Chinese national na nagtatrabaho sa tindahan. 

Isinagawa ang raid nitong Miyerkoles kung saan nasamsam ang mga produkto ng Apple, Xiaomi, at Samsung na wala umanong dokumento na binayaran ng tamang buwis. 

Higit 1 buwan umanong minanmanan ang naturang tindahan kaya nakumpirmang smuggled ang mga produkto nito. 

Binigyan hanggang Agosto 14 ang may-ari ng establisimyento upang magpakita ng ebidensiyang nabuwisan ang mga imported niyang gadgets.

Sa 15 umano'y undocumented na Chinese national, 9 umano rito ang mayroon lamang tourist visa, 3 ang walang dokumentong maipakita, 2 ang may 9G visa, at 1 ang may Special Working Permit.

Nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration ang mga banyaga para maibestigahan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.