SOCO: Grade 7 student binaril ng umano’y karelasyon sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 01:00 PM

 

MAYNILA - Idineklarang dead on arrival ang isang Grade 7 student matapos barilin sa ulo sa loob ng kaniyang eskuwelahan sa Calamba, Laguna noong Hulyo 4.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagpulasan ng mga estudyante nang nangyari ang insidente.

"Tuliro talaga. They were shocked. In fact, nakita nila 'yung classmate talaga nilang buhat-buhat, tumutulo 'yong dugo. It’s very traumatic for them," ani Police Lt. Col. Jacinto Malino Jr. ng Calamba Police.

Panganay sa tatlong magkakapatid ang 15-anyos na biktima. Matagal nang yumao ang kaniyang ama habang nakabilanggo ang kaniyang ina dahil sa isang mabigat na kaso.

Kinilala ang gunman na si Renando Estrope "Renz Ivan" Valderama, 36 anyos.

Nakapagtago ang suspek sa bulubunduking bahagi ng Laguna. Pero dahil hindi naging madali ang sitwasyon ng suspek sa bundok, napilitan itong bumalik sa lungsod.

Dito nakakuha ng pagkakataon ang mga awtoridad na madakip si Valderama.

Ikinuwento ni Valderama kung paano niya umano ginawa ang krimen.

"Pagpasok ko, inano ko 'yung dala kong baril. Iclinock ko na, tapos pagbunot kong ganyan, tumakbo siya. Pagpasok ng daliri ko sa trigger, pagpitik, pumutok. 'Yung putok na 'yon, sakto po palang 'yong iilag siya, payuko siya,” kuwento ng suspek.

"'Di ko po nakita kung saan siya tinamaan nung time na 'yun. Bigla na lang po siyang tumumba. Pagtumba niya, tumakbo na 'ko no'n,” dagdag niya.

Ayon kay Valderama, nagkaroon daw sila ng relasyon ng biktima. Pero hindi raw nagtagal ang kanilang pagsasama nang umano’y iwan siya makalipas ang tatlong buwan.

"May kaunti kaming pagtatalo kasi ako po ay may pagkaseloso,” sabi ni Valderama.

"Nababasa niya 'yong mga chat ko… Sabi niya idedemanda daw niya ako," pag-alala niya.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!"

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv) para sa karagdagang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.