Matapos ang 25 taon, lalaki nakapiling muli ng pamilya kahit di na sila naaalala

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 07:14 AM

Masayang kinakausap ng mag-asawang Erico at Luciana Gondal si Aljerico. Matapos ang 25 na taon, muling nakapiling ni Erico ang kapatid kahit hindi na sila naalala nito.

DAPITAN CITY, ZAMBOANGA DEL NORTE—Isang malaking sorpresa para sa pamilya Gondal ang makapiling ang nawawala nilang kapatid na si Aljerico, 67, na sa buong akala nila ay patay na dahil sa tagal na walang komunikasyon mula sa kanya.

Ayon sa kapatid ni Aljerico na si Erico, 1994 nang umalis sa lungsod na ito si Aljerico at nagtungo sa Manila para magtrabaho bilang isang karpentero. Aniya, noong 2006 pa huli nila itong nakausap.

“Masaya ako. Kapatid ko ’yan, matanda siya sa akin. Ang tagal niyang nawala, 25 na taon tapos dumating na. Namatay si papa at nanay, di namin siya makontak akala ko patay na siya, na wala na talaga siya tapos ngayon, salamat sa Diyos nakabalik pa siya sa amin,” ani Erico.

Ayon sa asawa ni Erico na si Luciana, pinuntahan ito ng taga-Department of Welfare and Social Development (DSWD) at itinanong kung kilala ba niya ang isang Jerry Gondal.

Napag-alaman na sa isang madamong lugar sa Malabalay City, Bukidnon, natagpuan si Aljerico ng isang residente bago tulungan ito at dalhin sa DSWD.

“Pumunta dito ’yung taga-Unit 1 sabi may isang Jerry Gondal . . . Villa Gondal pero hindi Jerry ’yung pangalan niya kasi ang pangalan niya talaga Aljerico, ’yung Villa middle name niya kasi si nanay Villa Gondal naman ang kanyang ama,” sabi ni Luciana.

Kinupkop ng mag-asawa si Aljerico sa kanilang bahay sa Barangay Banonong.

Nakakalungkot nga lang dahil hindi na sila kilala ni Aljerico ngayon. Tanging alala lang ni Aljerico ay ang kaniyang iniwang pamilya noon.

“Wala akong pamilya kasi binata ako noon. Meron pero nandoon sa dati kong tinitirhan ’yung kay Perdon . . . Hindi ko talaga sila kilala,” ani Aljerico.

Pero para sa kay Erico, hindi man sila makilala ng kanyang kapatid ay masaya pa rin sila at muli nila itong nakapiling si Aljerico, lalo na ngayon na kailangang maiparamdam nila ang kanilang pagmamahal sa nawalang kapatid ngayong matanda na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.